Posts

Ikasampu, ika-10

Image
‎IKASAMPU, IKA-10 ‎ ‎walang gitling ang ikasampu ‎iyan ang wasto pag nagdugtong ‎ang panlapi't salitang ugat ‎balarila'y alam mo dapat ‎ ‎may gitling na pag ika-10 ‎iyan ang wastong pagdurugtong ‎ng panlapi at ng numero ‎balarila'y batid mo dapat ‎ ‎ikasampu ngayon ng Marso ‎ika-10 ngayon ng Marso ‎pansinin mo ang gamit nito ‎balarila'y tinurò ito ‎ ‎meron ka sanang natutunan ‎sa abang makatâ ng bayan ‎túrong ito'y pakatandaan ‎nang wasto'y gamitin ng tanan ‎ ‎- gregoriovbituinjr. ‎03.10.2026 ‎ ‎*litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Barya lang po sa umaga

Image
BARYA LANG PO SA UMAGA sakay ako / ng traysikel / nang makita yaong paskil: /  "barya lang po  /  sa umaga" kahit sa dyip / may ganyan ding / paalala pagkat walà / pang kita ang / namasada barya muna / sa umaga'y / iniipon dahil bagong / labas lamang / nila iyon may panukli / na rin sila / bandang hapon iyan ang sa / araw-araw / nila'y layon ang barya ko'y / inihandâ / na kaagad bago pa man / ang sinakyan / ko'y umusad anong payak, / barya muna / yaong hangad sa bulsa na'y / dudukutin / ang pambayad silang tsuper / ay tuloy lang / sa pagkayod habang tayong / mananakay / ay susunod sa paskil na / paalala / kahit pagod "barya lang po  /  sa umaga"  / nang may lugod - gregoriovbituinjr. 02.25.2026 * mapapanoood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1ArmgWgX1f/  

Buti na lang, ako'y may tibuyô

Image
BUTI NA LANG, AKO'Y MAY TIBUYÔ kanina, kulang ako ng barya upang magkapamasahe naman kayâ nga, ako'y dumukot muna sa tibuyô kong pinagtipunan ng baryang sampû at bente pesos mabuti nang tayo'y may naipon bakasakali lang, may panggastos may agad na mabubunot ngayon halina't mag-ipon sa tibuyô natirang barya'y doon isuot at tiyak, di ka masisiphayò pag kailangan, may madudukot walang lamang bote ng alkohol ang binutas ko't doon nilagak ang mga sensilyong magugugol sa kakailanganin kong tiyak buti't nakapagbenta ng libro sa pinuntahan kong pagtitipon kaya tibuyo'y malalagyan ko ng panibagong baryang naipon - gregoriovbituinjr. 02.23.2026 * tibuyô - Tagalog-Batangas sa salitang Kastilyang alcancia

Never Again

Image
NEVER AGAIN "Never Again" anang tibak sa t-shirt ko nakatatak "Never Again" na'y palasak karanasang nakaimbak sa daan kong tinatahak kahit ito'y lubak-lubak nakatanim na sa utak - gregoriovbituinjr  02.14.2026

Pag-inom ng dyus na luyang dilaw

Image
PAG-INOM NG DYUS NA LUYANG DILAW tuwing makalawa ng umaga umiinom ako ng salabat na luyang dilaw, di simpleng lúya kundi turmeric, na pampalakas magaling nga raw ito sa immune system na tumutulong labanan ang anumang impeksyon, kung meron balat pa'y pinangangalagaan lunas daw sa pamamaga't sakit upang lumusog din daw ang pusò inumin lang minsan, di malimit o kaya sa pagkain ay ihalò iniinom na'y dyus na turmeric kalusuga'y lagi nang isipin mahirap nang ang mata'y tumirik lalo't kayrami pang susulatin - gregoriovbituinjr. 02.12.2026

Ibasura

Image
IBASURA kalat sa lansangan, ibasura ilagay sa wasto ang basura nabubulok at di nabubulok paghiwalayin, di sinusunog ang mga mata'y ating imulat sa paligid na animo'y gubat nang dahil sa basurang nagkalat walisin din pati mga korap ibasura pati trapong bugok pati mga lingkod-bayang bulok isama ang kontraktor na hayok na sa ghost flood control nakatutok mga upos, plastik, ibasura! pati mga trapong palamara! pulitikong korap, isama na! bulok na sistema, ibasura! - gregoriovbituinjr. 02.11.2026

Baril ang diwà, bala ang salitâ

Image
BARIL ANG DIWÀ, BALA ANG SALITÂ ang manunulat ay mandirigmâ pistola, glock o garand ang diwà bala naman ang mga salitâ ganyan din maghandâ ang makatâ pinatatagos nila sa pusò ang mga katagang parang punglô tulad ng makatang naglalahò lilitaw muli pag napasubò ang manunulat ay namamatay pag nobela'y natapos na tunay ngunit siya'y muling mabubuhay pag may bagong akdang sumisilay ngayon nga'y sinisimulang muli ang mga kabanatang nagbinhi sa isip, paliko-likong gawi sa iwing diwa'y nananatili - gregoriovbituinjr. 02.10.2026 * kasabihan sa t-shirt ay mula kay Douglas Horton * litratong kuha ng makata sa isang tindahan ng barbeque