Posts

Showing posts from September, 2025

Walang makataong ebiksyon at demolisyon

Image
WALANG MAKATAONG EBIKSYON AT DEMOLISYON may makatao nga bang demolisyon gayong tinanggalan ka ng tahanan di rin makatao iyang ebiksyon kung itinaboy sa paninirahan makatao bang tanggalan ng bahay ang isang pamilya ng maralita na walang maayos na hanapbuhay sila nga'y isang kahig, isang tuka kahit pa nakatira sa danger zone ay karapatan ang paninirahan huwag puwersahin ang demolisyon ang pagpapasya'y nasa nananahan di nga raw sila dapat idemolis kundi pamamaraang makatao makatao bang ituring kang ipis o daga gayong mga dukha'y tao gawaing demolisyon ay malupit pinilit kayong mawalan ng bahay ang demolisyon ay nakagagalit winasak ang tahimik ninyong buhay - gregoriovbituinjr. 09.30.2025

Justice, Hindi Just-Tiis

Image
JUSTICE, HINDI JUST-TIIS bayan ay lagi nang nagtitiis ang mga pagbahang labis-labis ang masa'y naglalakad sa lusak dahil flood control projects na palpak masa'y nagkasakit, nagkagalis matindi'y nagka-lestospirosis contractor bay'y may pang-medisina? nang lunasan ang sakit ng masa? ang nais nitong bayan ay justice ayaw na nilang laging just-tiis sa nangyari'y may dapat managot ikulong lahat ng nangurakot ang gobyerno ba'y public service? o ginawa nang personal business? ilantad di lang mga contractor kundi kasabwat nilang Senador! sa bansa'y di dapat makaalis ang mga lintang dapat matiris bansa natin ay naging mapanglaw dahil sa buwayang matatakaw - gregoriovbituinjr. 09.28.2025 * litrato kuha sa Luneta, National Day of Protest Against Corruption (BAHA SA LUNETA), Setyembre 21, 2025    

Kawatan, ikulong, panagutin sila!

Image
KAWATAN, IKULONG, PANAGUTIN SILA! (to the tune of Katawan, by Hagibis) flood control projects, naglalaho flood control projects, naglalaho kawatan, kawatan, ikulong na iyan! kawatan, kawatan, ikulong na iyan! kawatan, kawatan, panagutin sila! kawatan, kawatan, panagutin sila! flood control projects, naglalaho kawawa ang bayan ko, ang tao kawatan, kawatan, ikulong na sila! kawatan, kawatan, panagutin sila! - gbj, 09.26.2025 * mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/19QEBGARnP/  

Labanan ang katiwalian!

Image
LABANAN ANG KATIWALIAN! katiwalian ba'y paano lalabanan? ng mga wala naman sa kapangyarihan ng mga ordinaryong tao, mamamayan ng kagaya kong naglulupa sa lansangan iyang katiwalian ay pang-aabuso ng pinagtiwalaan mo't ibinoto para sa pansariling pakinabang nito pondo ng bayan ang pinagkunang totoo paano ba tayo magiging mapagbantay? upang katiwalian ay makitang tunay! paano ba bawat isa'y magiging malay? na may korapsyon na pala't di mapalagay ang mga tiwali'y paano mahuhuli? kung krimen nila'y pinagmumukhang mabuti? kung may mansyon na ba't naggagandahang kotse? kung serbisyo'y negosyo na, imbes magsilbi? dahil sa ghost flood control projects at pagbahâ kayâ katiwalia'y nabatid ng madlâ habang mayayama'y masaya't natutuwâ dahil sa nakurakot sa kaban ng bansâ salamat sa mga dumalo sa Luneta at Edsa, pinakitang tumindig talaga laban sa katiwalian at inhustisya pagpupugay sa lahat ng nakikibaka! - gregoriovbituinjr. 09.26.2025 * unang litrato m...

Sa laban lang tutumba kaming tibak na Spartan

Image
SA LABAN LANG TUTUMBA KAMING TIBAK NA SPARTAN isang inspirasyon ang Spartan na si Eurytus di ang duwag na Spartan na si Aristodemus ginawa ni Eurytus ay kadakilaang lubos kabayahihan niya sa diwa't puso ko'y tagos kapwa maysakit na sa mata, kaya inatasan ni Leonidas na umuwi't magpagaling naman subalit nang sa Thermopylae na'y nagkagipitan bumalik si Eurytus, bulag na nakipaglaban di gaya ni Aristodemus na umuwing buhay at di na lumahok sa labanan sa Thermopylae karuwagan niya sa kasaysayan sinalaysay habang si Eurytus, nakibaka't umuwing bangkay dalawang ngalan, isa'y bayani, duwag ang isa kapwa mandirigmang Spartan, maysakit sa mata tagos sa tulad kong tibak ang aral na nakita di sa sakit kundi sa laban lang kami tutumba - gregoriovbituinjr. 09.25.2025 * litrato mula sa google

Tale of three Sara

Image
TALE OF THREE SARA ang una'y si  Sara Piattos di mapaliwanag ang gastos milyon-milyon sa onse araw banta pa'y may ipapapatay ikalwa'y si  Sara Dismaya sa flood control, contractor pala pondo ng bayan, isinubi mga proyekto'y guniguni kahanga-hanga ang ikatlo singer na si  Sarah Geronimo sa kabataan, kanyang bilin bulok na sistema'y baguhin Sarah Geronimo , Mabuhay! ngala'y nagniningning na tunay! payo mo sa prinsipyo'y atas itayo ang lipunang patas - gregoriovbituinjr. 09.20.2025 * litrato mula sa fb page ng ABS-CBN News * ulat mula sa  https://abscbn.news/3VXIDlL  

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

Image
LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohiya nito? sa Ingles, back at ground, pinagsama ito yaong compound word talaga eksaktong salin nito'y wala pa ngunit ito'y kailangan ko na kaya akin nang napag-isipan salitang "litrato sa likuran" compound word, pagsamahin din naman kaya nabuo ko ang LITKURAN sa disenyo'y kakailanganin sa tulang nalikha't lilikhain sana, salitang ito'y tanggapin ng bayan at ito na'y gamitin - gregoriovbituinjr. 09.16.2025 * ang litkuran ay kuha sa MOA

Daang tuwid at prinsipyado

Image
DAANG TUWID AT PRINSIPYADO kahit pa ako'y maghirap man mananatilng prinsipyado nakikipagkapwa sa tanan tuwina'y nagpapakatao naglalakad pag walang pera nang masang api'y makausap patuloy na nakikibaka upang matupad ang pangarap na lipunang pantay, di bulok pagkat sadyang di mapalagay laban sa tuso't trapong bugok kumikilos nang walang humpay daang tuwid ang tatahakin ng mga paang matatatag matinong bansa'y lilikhain lansangang bako'y pinapatag - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Ang maiaalay sa mundo

Image
ANG MAIAALAY SA MUNDO iyon lang ang maiaalay ko sa mundo ang ibigay yaring buhay para sa kapwa at maitayo ang lipunang makatao at patas sa pagkilos nating sama-sama sasakahin natin ang mga kabukiran talbos, gulay at palay ay ating itanim pinakakain ng pesante''y buong bayan ngunit sila pa'y api't mistulang alipin suriin ang lipunan at sistemang bulok oligarkiya, trapo't dinastiya'y bakit sa kapangyarihan ay gahaman at hayok kaylupit pa nila sa mga maliliit marapat lang nagpapakatao ang lahat at ipagtanggol din ang dignidad na taglay  kaya sa pagkilos sa masa'y nakalantad sa mundong ito'y inalay na yaring buhay - gregoriovbituinjr. 09.07.2025 * litratong kuha sa bayan ng Balayan, lalawigan ng Batangas  

Ingat sa daan

Image
INGAT SA DAAN naglalakad nang tulala madalas buti't sa disgrasya'y nakaiiwas at alisto pa rin sa nilalandas sa pupuntaha'y di nakalalampas tulala man itong abang makatâ pagkat mahal na asawa'y nawalâ lakad ng lakad, at kathâ ng kathâ buti't sa daan, di nasusungabâ kahit sa diskusyon, tulalâ minsan diwa'y nawawalâ sa talakayan; bilin sa tulalâ: ingat sa daan baka madapâ, agad masugatan buti't ang makata'y di naliligaw sa baku-bako pa'y nakalalaktaw sabit sa dyip, buti't di nakabitaw kundi'y sariling mundo'y magugunaw - gregoriovbituinjr. 09.07.2025

Ang nasusulat sa bato

Image
TULARAN SI EURYTUS, HINDI SI ARISTODEMUS dalawang  Spartan  ang pinauwi ni  Haring Leonidas  ng  Sparta parehong sakit sa mata ang sanhi na baka makasamâ sa opensa tatlong daang mandirigmang  Spartan yaong paroroon sa  Thermopylae dalawa'y kabilang sa tatlong daan subalit pinauwi silang tunay umalis silang dalawa subalit bumalik sa digmaan si  Eurytus napaslang sa digma, nagpakasakit ngunit umuwi si Aristodemus tinawag na duwag, di kinausap ng kapwa Spartan, nakakahiya sa kasaysayan, di naburang ganap ang sinapit, dangal niya'y nawala kaya bilang aktibistang Spartan magandang halimbawa si Eurytus maysakit man tayo'y ating tularan hanggang mamatay, nakibakang lubos - gregoriovbituinjr. 09.05.2025 * litrato mula sa google

Sabaw at talbos ng kamote

Image
SABAW AT TALBOS NG KAMOTE sabaw at talbos ng kamote ang hapunan ko ngayong gabi sa puso raw ito'y mabuti sa kanser ay panlaban pati nakakatulong sa digestion at naglalaman din ng iron na mabuti raw sa produksyon ng red blood cells ang mga iyon kaysarap din ng sabaw nito lalagukin ang isang baso napapalusog pati buto ramdam kong ito'y epektibo nakagagaan sa paggalaw bukod sa masarap na sabaw talbos pa nito'y isasawsaw sa bagoong, di ka aayaw di ako nagkanin, ito lang at nakabubusog din naman pampalakas na ng katawan pampalusog pa ng isipan - gregoriovbituinjr. 09.02.2025