Posts

Showing posts from October, 2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

Image
PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA payak lamang ang aking inalmusal malunggay tea, salabat at pandesal sa iwing resistensya'y pampatagal sa takbuhan, di ka agad hihingal ngunit mamaya, mahabang lakaran tungo sa mahalagang dadaluhan dapat may pampalakas ng katawan at pampatibay ng puso't isipan anupa't kaysarap magmuni-muni pag nag-almusal, nagiging maliksi ang kilos, susulat pang araw-gabi ng akdang sa diwa'y di maiwaksi tarang mag-almusal, mga katoto pagpasensyahan lang kung konti ito - gregoriovbituinjr. 10.25.2025     

Inuming malunggay

Image
INUMING MALUNGGAY sampung pisong malunggay ang binili kong tunay sa palengkeng malapit barya man ay maliit nilagay ko sa baso at binantuan ito ng mainit na tubig na panlaban sa lamig layunin ko'y lumakas ang kalamna't tumigas bisig na matipunô at sakit ay maglahò sa malunggay, salamat dama'y di na mabigat ang loob ko'y gumaan pati puso't isipan - gregoriovbituinjr. 10.22.2025

Pag naalimpungatan sa madaling araw

Image
PAG NAALIMPUNGATAN SA MADALING ARAW matutulog akong may katabing pluma't kwaderno na pag pikit na'y may mga paksang dumedelubyo sa diwa, laksang isyu'y lumiligalig ng husto nang maalimpungatan, agad isinulat ito kayâ dapat nakahandâ na ang kwaderno't pluma tulad ng mga Boy Scout na laging handâ tuwina tulad ng aktibistang handâ sa pakikibaka tulad ng makatang Batutè na idolo niya habang napapanaginipan ang sinintang wagas habang protesta ng sambayanan ay lumalakas habang pinapangarap ang nasang lipunang patas habang dumadapong lamok ay agad hinahampas kayâ tayo'y dapat laging handâ kahit lumindol handang tuligsain silang kurakot sa flood control lalo't sa kaban ng bayan bulsa nila'y bumukol handâ pati kwaderno't pluma maging sa pagtutol - gregoriovbituinjr. 10.21.2025

Bawang juice at salabat

Image
BAWANG JUICE AT SALABAT pagkagising sa madaling araw ay nagbawang juice na't nagsalabat habang nararamdaman ang ginaw at sikmura'y tila inaalat pampalakas ng katawan, sabi sa dugo'y pampababa ng presyon pinalalakas ang immunity para rin sa detoksipikasyon para talaga sa kalusugan at panlaban din sa laksang pagod nakatutulong maprotektahan sa ubo't sipon, nakalulugod upang sakit nati'y di lumalâ upang katawan nati'y gumanda ang anumang labis ay masamâ kaya huwag uminom ng sobra - gregoriovbituinjr. 10.20.2025

Kumilos ka

Image
KUMILOS KA umiyak ka magalit ka at kung di ka kumikilos eh, ano ka? dinastiya at burgesya trapong imbi namburiki ng salapi mula kaban nitong bayan silang mga manlilinlang at kawatan kaya pulos sila korap humahangos pag panggastos at panustos ang usapin nais nilang  bayan natin ay korapin at linlangin makibaka kumilos ka baguhin na iyang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Mendiola, Maynila, Oktubre 2, 2025

Basura, linisin!

Image
BASURA, LINISIN! "Basura, linisin! Mga korap, tanggalin!" panawagan nila'y panawagan din natin dahil  BASURA plus KORAPSYON equals BAHA mga korap ay ibasura nating sadya kayraming kalat, upos, damo, papel, plastik! walisin na lahat ng mapapel at plastik! oligarkiya't dinastiya, ibasura! senador at kongresistang korap, isama! may korapsyon dahil may Kongresista Bundat kaban ng bayan ang kanilang kinakawat at may korapsyon dahil may Senador Kotong na buwis ng mamamayan ang dinarambong tarang maglinis! baligtarin ang tatsulok! sama-samang walisin ang sistemang bulok! O, sambayanan, wakasan na ang korapsyon! kailan pa natin gagawin kundi ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.15.2025 * litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

Maging magsasaka sa lungsod

Image
MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD halina't tayo'y magtanim-tanim upang bukas ay may aanihin tayo man ay nasa kalunsuran mabuti nang may napaghandaan baka di makalabas at bahâ lepto ay iniiwasang sadyâ noong pandemya'y di makaalis buti't may tanim kahit kamatis ipraktis na ang urban gardening nang balang araw, may pipitasin alugbati, talbos ng kamote okra, papaya, kangkong, sayote magtanim sa maliit mang pasô, sa lata, gulong na di na buô diligan lang natin araw-araw at baka may bunga nang lilitaw - gregoriovbituinjr. 10.14.2025 * litrato kuha sa Villa Immaculada, Intramuros, Maynila, Oktubre 4, 2025

Paalala sakaling magkalindol

Image
PAALALA SAKALING MAGKALINDOL naglindol, kayâ payò ng mga kasama ay huwag manatili sa mga gusaling gawa ng DPWH at kontraktor at baka mabagsakan ng kanilang gawâ dahil sa mga ghost project ng flood control dahil patuloy pa ring bahâ sa Bulacan dahil sa korapsyon sa DPWH wala nang tiwalà ang bayan sa kanila baka nga pulos substandard na materyales ang ginamit dahil kinurakot ang pondo ng bayan, ibinulsa ng mga buwaya kaya materyales talaga'y mahuhunâ katiwalian nila'y parang tubig bahâ hahanap at hahanap ng mapupuntahan habang ang masa naman ay nakatungangà walang ginagawâ, hay, walang ginagawâ Oktubre na, wala pang nakulong na corrupt! nganga pa rin ba pag dumating ang  The Big One ? ikulong na ang mga kurakot! ikulong! kung maaari lang, bitayin sila ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.13.2025 * litrato mula sa kinasapiang messenger group

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

Image
ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan) pritong isda, talbos ng kamote okra, bawang, sibuyas, kamatis pagkain ng maralita'y simple upang iwing bituka'y luminis sa katawan nati'y pampalusog nang makaiwas sa karamdaman puso't diwa man ay niyuyugyog ng problema ay makakayanan iwas-karne na'y patakaran ko hangga't kaya, pagkain ng prutas ay isa pang kaygandang totoo pagkat iinumin mo ang katas aba'y oo, simpleng pamumuhay at puspusan sa pakikibaka dapat tayo'y may lakas na taglay lalo na't nagsisilbi sa masa - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Maging bayani ka sa panahong ito

Image
MAGING BAYANI KA SA PANAHONG ITO maging bayani ka / sa panahong ito laban sa korapsyon / ng mga dorobo bahâ sa probinsya't / lungsod nating ito pagkat ibinulsa / mismo nila'y pondo ng bayan, trapo ngâ / ang mga kawatan na 'naglilingkod' daw / sa pamahalaan aba'y senador pa't / konggresista iyan at mga kontraktor / ang kasabwat naman masa'y niloloko / nitong mga hayok sa salapi, masa'y / di dapat malugmok subalit di sapat / ang sanlibong suntok sa mga nilamon / ng sistemang bulok tuligsain natin / lahat ng kurakot at singilin natin / ang dapat managot ipakulong natin / ang lahat ng sangkot at tiyaking sila'y / di makalulusot sa panahong ito / ay maging bayani unahin ang bayan, / at di ang sarili singilin ang trapong / kunwari'y nagsilbi panagutin natin / silang tuso't imbi - gregoriovbituinjr. 10.12.2025 * litrato kuha sa Foro de Intramuros, Oktubre 11, 2025, sa aktibidad ng grupong Dakila

Gulay sa hapunan

Image
GULAY SA HAPUNAN iwas-karne at mag-bedyetaryan pulos gulay muna sa hapunan ganyan ang buhay ng badyetaryan batay sa badyet ang inuulam sa katawan natin pampalakas ang mga gulay, wala mang gatas may okra, kamatis at sibuyas pulos gulay na'y aking nawatas iyan ang madalas kong manilay upang kalamnan nati'y tumibay payo rin ito ng aking nanay kaya kalooban ko'y palagay sa hapunan, ako'y saluhan n'yo at tiyak, gaganahan din kayo - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Tatlong herbal na inumin

Image
TATLONG HERBAL NA INUMIN di naman iinumin nang sabay magkasunod o isang tunggaan may pagitan itong isang oras mainit na tubig lang ang sabay sayang kung tubig ay iinitin kada oras sa takure namin kaya tatlong baso'y pagsabayin ngunit di lang sabay iinumin isang baso'y salabat o luya dahon ng guyabano ang isa isa nama'y sambasong bawang pa inuming pampalakas talaga iyan na ang aking iniinom gabi, umaga, tanghali, hapon hay, kayrami pang trabaho't misyon dapat katawa'y malakas ngayon - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Dahil sa misyong dakila

Image
DAHIL SA MISYONG DAKILA parang araw-araw na lang, lagi akong tulala subalit dapat ipakita kong ako'y masigla kahit hindi, sapagkat ako'y isang mandirigma at nalulutas iyon, dahil may misyong dakila iyon ang bumubuhay sa akin sa araw-gabi nakapagpapasigla pa ang pagdalo sa rali kaya sa anumang laban, di ako nagsisisi na kabilang ako sa mga sa bayan nagsilbi tulad ko'y ang mandirigmang Ispartang si Eurytus na hanggang sa huling sandali'y nakibakang lubos di gaya ng Ispartang duwag, si Aristodemus kinahiya ng kanyang lipi, di nakipagtuos kumikilos pa ako't patuloy na lumalaban upang tuluyang mapawi ang mga kabulukan ng sistema't itatag ang makataong lipunan iyan ang dakila kong misyon hanggang sa libingan - gregoriovbituinjr. 10.09.2025

BOTO, BOGO, BOFO

Image
BOTO, BOGO, BOFO Buy One, Take One: BOTO Buy One, Get One: BOGO Buy One, Free One: BOFO iba'y ibang daglat sa bibilhing sukat iyan nga ba'y sapat na pawang pakulô nang tinda'y lumagô nang sila'y tumubò pag binili'y isa may libre pang isa may kita na sila ang  BOTO  ng masa sana'y di ibenta sa tusong burgesya BOTO  mo'y butatâ pag nanalo na ngâ ay trapong kuhilà  - gregoriovbituinjr. 10.09.2025 * litrato mulâ kung saan-saan

Magwawakas din ang Nakbâ

Image
MAGWAWAKAS DIN ANG NAKBÂ mulâ ilog hanggang dagat lalaya rin ang Palestine gagapiing walang puknat ang mga hudyong salarin magwawakas din ang Nakbâ mananakop ay iigtad at magiging isang bansâ silang malaya't maunlad kaya nakiisa ako sa pakikibaka nila narito't taas-kamao upang sila'y lumaya na - gregoriovbituinjr. 10.07.2025 * Nakbâ - sa Arabiko ay catastrophe o malaking kapahamakan

Guyabano tea

Image
GUYABANO TEA dahon ng guyabano at mainit na tubig paghaluin lang ito nang lumakas ang bisig at buo mong kalamnan na ang lasa'y kaysarap tanim lang sa bakuran di na ako naghanap guyabano na'y tsaa inumin nang lumusog paggising sa umaga o bago ka matulog tikman, guyabano tea madaramang lalakas at di ka magsisisi kalusugan mo'y wagas - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

Image
SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INO para raw makalimot sa aking pinagdaanan iyan ang payo sa akin ng isang manginginom noong birthday ko ay di ko raw siya tinagayan aba'y bakit ko tatagayan ang senglot na iyon dadamayan daw niya ako upang makalimot sa pinagdaraanang hapdi raw ng pagkawala ni misis sa sakit, siya rin daw ay nalulungkot kaya kaming dalawa raw ay magsitagay na nga kanyang sinabi'y palsong katwiran para sa akin bakit ko naman lilimutin ang tangi kong sinta gayong si misis ang diwatang laging sasambahin ayokong lumimot, nais ko siyang maalala mahirap kausap ang lasenggo o lasenggero na araw-gabi, may hawak na bote, naglalasing pabaya sa pamilya, tapos yayayain ako mas mabuti pang matulog ang sa kanya'y pasaring - gregoriovbituinjr. 10.04.2025