Posts

Showing posts from January, 2026

Payò sa sarili

Image
PAYÒ SA SARILI dapat pa ring pagsanayang magkwento habang sa sipnayan ay pulos kwenta di lang tulâ ang dapat isulat ko kundi kwento hanggang maging nobela salamat,  Talibà ng Maralitâ dahil ako'y inalagaang sukat dahil tula't kwento'y nilalathalà dahil pahayagan kang mapagmulat pagkathâ ng kwento'y pagbubutihin baka sa akin ito ang magdala sa pagtingalâ sa mga bituin at kinabukasang asam talaga isang nobela'y aking sinusulat kayâ ngayon ay nagsusumigasig dapat pagsikapan ang lahat-lahat bakasakaling dito makatindig - gregoriovbituinjr. 01.31.2026

Mag-ingat laban sa Nipah virus

Image
MAG-INGAT LABAN SA NIPAH VIRUS mag-ingat po tayo laban sa  Nipah virus na may outbreak umano sa  West Bengal, India natala raw noon ang labimpitong kaso ng  Nipah virus  doon sa  Sultan Kudarat higit sampung taon na ang nakararaan kabilang sa sintomas nito ang trangkaso na ilan sa mga pasyente'y nakitaang namamagâ ang utak o  encephalitis at impeksyong  meningitis  na nakuha raw matapos kumain ng karne ng kabayo at nahawa sa mga taong apektado paniki't baboy pa'y ilan sa sanhi nito kaytindi na ng naranasan sa pandemya ang  Nipah virus  ay nakapag-aalala sana ang ating bansa'y bantayan talaga - gregoriovbituinjr. 01.29.2026 * ulat mulâ sa pahayagang Abante at Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2026, p.2

Ang katalinuhan ng mabagal na pagong

Image
ANG KATALINUHAN NG MABAGAL NA PAGONG Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Mahusay ang mabagal na pagong. Marami nang magkwento nito. Kahit ang pambansang bayaning si  Gat Jose Rizal  nga'y kumatha ng klasikong pabulang  Ang Pagong at ang Matsing . Ito ang pinagmulan ng kawikaang  "tuso man ang matsing, napaglalalangan din." Bata pa ako'y napanood ko na si  Pong Pagong at Kiko Matsing   sa palabas na  Batibot  na parang  Sesame Street  sa Amerika. Batay din ang karakter nila sa kathâ ni Dr. Rizal. Napanood ko rin noon ang  Teenage Mutant Ninja Turtles  na apat silang ipinangalan sa mga sikat na pintor na sina  Michaelangelo, Leonardo, Donatello  at  Raphael . Kilala ang pagong na mabagal maglakad, subalit matiyagâ. Sa pabulang  Ang Pagong at ang Kuneho ni Aesop , naghamunang magpabilisang makarating sa itinakdang dulo o finish line sina Pagong at Kuneho. Subalit nauna si Pagong na marating ang ...

Ang pinili kong landas

Image
ANG PINILI KONG LANDAS (Sa ika-110 taon ng tulang "The Road Not Taken" ng makatang Scot na si Robert Burns) oo, pinili ko'y landas na bihirang tahakin landas ng karangalan upang masa'y di hamakin landas ng pagbaka upang obrero'y di apihin landas na madugô upang dukha'y di maliitin batà pa'y pinangarap nang paglingkuran ang bayan kayâ pinili ko ang landas ng kabayanihan bagamat punong-punô man ng kasalimuotan ay patuloy na tinahak ang baku-bakong daan datapwat magulo ay doon lang mapapanatag ang buhay, diwa't kaloobang ayaw maging hungkag magbubô man ng laksang pawis at dugo'y papalag sa pag-iral ng sistemang bulok ay di patinag sa kaliwâ man ng sangandaan ako lumikô sementado man ang kanang daan ay di mahulô sa pinili kong daan may lipunang mabubuô lipunang makatao at ang bulok ay guguhò - gregoriovbituinjr. 01.27.2026

Bunbu ichi

Image
BUNBU ICHI (Bunbu ichi - pen and sword as one) tila pluma'y kaytalas talaga sintalas ng kris o ng espada kayâ patuloy lang sa pagkathâ ang tulad kong kwentista't makatâ sa pagsusulat ng minimithi ay gamit ang Hapong bunbu ichi yao'y pinag-isang pluma at kris na parang lintik kung humagibis matalas ang mga sinusulat na sa masa'y nakapagmumulat parang tinamaan ng palasô ang diwa't puso'y pinagdurugo paumanhin kung ika'y umaray pagkat sa masa ang tula'y tulay ko upang ako'y maunawaan at sila'y aking maunawaan - gregoriovbituinjr. 01.26.2026 * litrato mula sa google *  https://writingslowly.com/2025/12/28/the-unity-of-pen-and.html * The saying most commonly associated with the samurai class is “bunbu ichi” or “pen and sword, as one.”  https://www.thecollector.com/medieval-knights-vs-samurai-warriors/

Ikalima, hindi ika-lima

Image
IKALIMA, HINDI IKA-LIMA salitang ugat o pangngalan, di numero kayâ bakit may gitling ang panlaping "ika" di ba't kayâ panlapi, kinakabit ito sa salitâ, arâlin n'yo ang balarila maraming nalilito, may maling pagtingin sa paglagay ng gitling sa mga salitâ ikalima, di ika-lima; walang gitling ika-5, di ika5 yaong diwà nilalagyan ng gitling matapos ang "ika" sapagkat numero na ang kasunod niyon kayâ madali lang maunawâ talaga pagkakamali'y di na sana ulitin pa sana sa eskwelahan, maituro muli lalo sa mga estudyante't manunulat huwag nang ulitin yaong pagkakamali at sa wastong gamit ng gitling na'y mamulat - gregoriovbituinjr. 01.22.2026 * litrato mula sa krosword ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 22, 2026, p.10

Ang sining

Image
ANG SINING halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang! magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan! lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban! maningil tayo! panagutin ang mga kawatan! ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan! mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan! lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan! ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan! - gregoriovbituinjr. 01.19.2026

E-Jeep pala, hindi Egypt

Image
E-JEEP PALA, HINDI EGYPT "Sumakay kami ng Egypt!" Sabi ng kaibigan kong dating OFW. "Buti, dala mo passport mo." Sabi ko. Agad siyang sumagot. "Bakit ko naman dadalhin ang passport ko, eh, sinundo ko lang naman ang anak ko upang mamasko sa iyo." "Sabi mo, galing kayong Egypt.." Ani ko. "Oo, e-jeep ang sinakyan namin punta rito." "Ah, 'yung minibus pala ang tinutukoy mo. E-jeep, electronic jeep, at hindi bansang Egypt." @@@@@@@@@@ e-jeep at Egypt, magkatugmâ isa'y sasakyan, isa'y bansâ pag narinig, singtunog sadyâ kung agad mong mauunawà ang pagkagamit sa salitâ pagkalitô mo'y mawawalâ ang dalawang salita'y Ingles mundo'y umuunlad nang labis sa komunikasyon kaybilis bansang Egypt na'y umiiral sa panahong una't kaytagal nasa Bibliya pang kaykapal bagong imbensyon lang ang e-jeep kahuluga'y electronic jeep kuryente't di na gas ang gamit - gregoriovbituinjr 01.10.2026

Pahayagang Baybayin

Image
upang pagkaisahin ang bayang mahal natin pahayagang Baybayin ay ating proyektuhin - tanaga-baybayin gbj/01.10.2026

Balakyot - balatkayô ba?

Image
BALAKYOT - BALATKAYÔ BA? kayganda ng kanyang itinanong kung ang balakyot ba'y balatkayô? ah, marahil, dahil ang balakyot ay mapagbalatkayo at lilò sinagot ko siyang ang balakyot ay balawis, sukab, lilò, taksil at tumugon siyang gagamitin na rin niya ang salitang iyon pag mapagbalatkayong kaibigan matagal man bago mo malaman madarama mo ang kataksilan siya't lilo't balakyot din naman mapagkunwari't balakyot pala pinagsamaha'y sayang talaga kayhirap pag ganyan ang kasama na harapang pagtataksilan ka - gregoriovbituinjr. 01.04.2026

Aklat ng martial arts

Image
AKLAT NG MARTIAL ARTS buti't nabili ko rin ang librong  "Ang Sining ng Pakikipagtunggali at Pagtatanggol" magandang basahin, madaling unawain sa presyo ng libro'y sapat lang ang nagugol narito'y  Arnis, Karate, Tae Kwon Do, Kung Fu di lang ito tungkol sa pakikipaglaban kundi liwanag ng pananaw at prinsipyo pag-unlad ng diwà, malusog na katawan ang mga kilos dito'y masining sa ganda mga kata'y pinagi-ensayuhang sadyâ ang librong ito'y interesante talaga upang sa mang-aapi'y di basta luluhà kung sa pagtatangka'y di agad makakalas ay baka maipagtanggol ko ang sarili sa paglaban dapat katawan ay malakas upang di basta maagrabyado't ma-bully - gregoriovbituinjr. 01.03.2026